Health Is Wealth


Mapangkutya ako noon lalo na sa mga bigatin o matatabang tao. Minsan pa nga ay muntik na akong mapaaway nang kumasa yung matabang kaklase ko nang sabihan ko na matakaw siya dahil sa halinhinan nitong pagkain ng dala-dalawang burger sa magkabilang kamay nito. Pero, sinong maga-akala na balang-araw ay magkakalapit kami sa isa't isa, isang karanasang hindi ko malilimutan.

Masasabing may kaya kami sapagkat sa pribadong paaralan ako nag-aaral, kumpleto palagi ang mga kakailanganin sa school, at hindi bababa sa isang daan ang baon sa araw-araw na sa karaniwang estudyante sa amin ay kaya nang tumustos ng isang pamilya sa buong araw. Kaya nang mawalan ng hanapbuhay ang aking mga magulang ay parang bumagsak ang aking mundo.


Dahil sa kakulangan sa pera, hindi na ako nakakabayad ng tuition fee ng kumpleto at sa tamang oras. Palaging may mga promissory notes kaya naman special exams palagi ang naibibigay sa akin. Ang dating sobra-sobrang baon ko sa araw-araw ay unti-unting nababawasan hanggang sa kinakailangan ko nang maglakad makapunta lang sa school dahil sa wala nang maibigay sa akin ang aking mga magulang.


Isang araw sa school; oras noon ng pananghalian. Nasa isang sulok lang ako ng canteen nakaupo at naglalaway sa mga pagkaing naroroon. Wala akong baon at ni singkong duling ay talagang walang-wala ako. Nagkakarambola na ang mga bulate sa tiyan ko at dinig na dinig ko iyon. Halos manlabo na nga ang aking paningin dahil sa gutom, pero bago pa man ako mahimatay ay may nag abot sa akin ng isang burger. Nang tumingin ako sa taong nag-abot sa akin ay bigla na lamang akong nanlumo sa hiya - Si Jay, 'yung matabang kaklase ko na palaging sentro ng aking pangungutya.


Matapos akong magpasalamat ay agad kong sinunggaban ang masarap na burger na sa tingin ko ay binili pa niya sa isang sikat na food chain malapit sa amin. Halatang gutom na gutom ako dahil sa laki at bilis nang pagsubo at pagnguya ko sa burger. Bigla akong iniwan ni Jay at sa kanyang pagbalik ay may dala na itong iba pang pagkain – kanin at adobong manok na mabibili sa canteen na iyon.


Busog na busog ako ng araw na iyon. Ang muntik ko nang pagkahimatay sa gutom ay naagapan dahil sa pagmamagandang loob ng taong minsan kong nilait-lait dahil sa katabaan.
Dahil doon ay humingi ako ng tawad sa kanya at nangakong 'di ko na uulitin ang dati kong masamang gawain sa mga tulad niyang "heavy-gat."


Nang umuwi ako ay agad kong ikinuwento kay nanay ang nangyari. Mangiyak-ngiyak ito habang nilalahad ko ito sa kanya. Maya maya ay nahalata ko ang programang pinakikinggan niya. Ito ay programa sa DZRH tungkol sa tamang nutrisyon.


Dahil sa palagiang pakikinig ng nanay ko, unti-unti ko itong napansin at kinalaunan ay nagustuhan dahil sa mga dulang tinatampok nito na may kinalaman sa tamang nutrisyon. Simula noon ay namuo ang interes ko sa pakikinig sa programang ito kada sabado. Makalipas ang ilang linggong pakikinig ay iminungkahi ko ito kay Jay para mapakinggan.


Madalas kaming magkita ni Jay dahil siya na halos ang nagpapakain sa akin kapag oras na ng pananghalian. Naiintindihan niya kasi ang nangyari sa amin. Dahil sa regular ang aming pagkikita, hindi nalingid sa akin ang pagbabago sa kanyang pangangatawan. Nahalata ko na hindi na ito madalas kumain ng marami. Napansin ko rin ang walang sawang pagkahilig nito sa sandwich na napapalamanan ng mga gulay at konting karne. Hanggang sa bihira na kaming umuwi ng sabay sa hapon dahil sa pagkahilig na nito sa larong volleyball.


Ilang mga linggo pa ang lumipas ay nahalata ko ang pagkakaron ng hugis ng katawan niya mula sa bilugan nitong pangangatawan at mukha. Hanggang sa mapansin kong gwapo din pala siya.  Sa madaling salita, nagkagusto ako sa kanya kung kaya't 'di na ako nagdalawang-isip upang sagutin siya.


Minsan ay isinama niya ako sa kanila isang sabado. Napansin ko agad ang pinakikinggan nito sa radio. Ito yung programang iminungkahi ko sa kanya noon.


Doon ko lang nalaman na ang minsang pakikinig nito sa programa ng Nutrition Council sa radio ang nag udyok sa kanya upang magbawas ng timbang at maging health conscious. 

Ngayon ay slim na siya at sporty na ang dating. Maayos na rin ang trabaho ng aking mga magulang kaya't 'di na ako nahihirapang mag-aral.


Hindi ko sukat akalain na ang minsang nilalait ko dahil sa katabaan ay siya ring tutulong sa akin sa oras ng pangangailangan. Hindi ko rin sukat akalain na ako, ang taong palaging nangkukutya sa kanyang katabaan, ay magiging susi rin upang kanyang mapakinggan ang isang napakagandang programa sa DZRH na magpapabago sa kanyang buhay.

Comments

Popular posts from this blog

Christmas Party

Irony